ni Makatambata
Isang pagninilay sa mga nakaraang makabuluhang pag-uusap sa iba't ibang maliliit na tambayan at tunguhan. Ang mga ideya, proposisyon, at pagnanais na pumapaloob sa piyesa ay hindi nagmula at pag-aari ng sariling kaisipan ng umakda. Bagkus, ang mga argumento, karanasan, ideya, at paniniwala ng mga katambayan, kaibigan, at kabiruan ang nag-udyok sa malikhaing pagtatagni ng mga kaisipan tungo sa isang tulaang akda. Maraming salamat sa mga taong pinagmulan ng katas ng tulang ito. (susundan ng pagngiti)
Sa kasalukuyan ang lipunan, nakakaranas ng pagkasira,
Sistema ng ekonomiya'y nabubulok, humihina.
Kaya't ang sigaw ng masa, humayo na ang kapitalista!
Papalit ang alternatibong modang sosyalista.
Ayon sa kasaysayan, para sa hindi nagbabasa,
(Pagkat wala lang interes o ibinaon na ng sistema)
Ang lipuna'y nagbabago, hilingin man o tutulan 'to,
Kaalinsabay ng sistema't relasyong pumapaloob dito.
Imperyalismo, Pyudalismo,at Burukrata Kapitalismo,
Ang nabanggit na tatlo, tinaguriang triyangulo ng diyablo.
O ano ang pagbalikwas, o sino'ng tatayo? Siya lamang ba o pati ako?
Ngunit anong silbi ng lakas at pakikiisang maihahatid ninyo?
Kakayanin ba nating tumindig, pagkat puso na'y pumipintig,
Kumakalabog na ang dibdib, Pag-iisip bumibilis.
Pagkatakot ba ang dama, o emosyong nananabik?
Sa paglaya ng bayan, uring api'y lumuluha sa pagkasabik.
Si Che, doktor ang propesyon, rebolusyon ang misyon,
Yaring nagsabi: Walang iisang taong maghahatid ng soberanya't liberasyon!
Ang paghihintay sa lider na magpapalaya sa atin ay gawa-gawang biro.
Ang masang api, natututo, lumalakas, lumalaban,
At inaarmasan ng sarili ang sarili sa 'di makasariling laban.
Ang proletaryan, ang tunay, ang siyang magpapalaya,
Ang hahamig ng tagumpay, kasaysaya'y isusulat, iwiwika.
Ito ang siyang dahilan kung bakit ang hukbo ng magsasaka't manggagawa'y tinagurian:
Pambansang hukbong mapagpalaya, ang marapat ay ipaglaban!
Sa pagwawakas kababayan,o ako'y kikiliti sa iyong dunong:
Una! Sa sistemang kapitalista,
Ang tao nga ay malaya,
Ngunit muling magmuni:
Anong kalayaan, at sino nga ba ang malaya?
Pangalawa! Ang kapitalismo'y episente,
Malayang komersyo kung ituring,
Ngunit sa anino ng pandaigdigang bangko't merkado,
Bakit ang U.S. aking nasasalamin?
Pangatlo! Sa gubyernong nakatindig sa konsepto ng republikanismo,
hindi ba't popular na soberanya ang umiiral dapat, katoto?
Pang-apat! Sa mga taong namumulat,
Pasismo na ang itinutugon.
Ang gubyernong manyakis, sa karahasa'y nakikiapid!
Pwersa ng armas ay siyang itinuturing na poon.
Panlima! Kung nakakamatay ang rebolusyon, at ang sakripisyong ito ay gawang palalo,
Bigkas mo'y maraming buhay na masasawi, maraming inosente na mapapasapanganib.
Ngunit noong wala pa nga ang digmaan, rebolusyo'y sanggol pa ngang sumususo,
Kundi sa gutom mamamatay, sa sakit, sa kamangmangan, sa pang-aapi!
Kahirapan nga ang berdugo, ngunit ito'y sistemiko, kaya't ano ang ugat na dapat ituro?
Ang tao, ang masa, ang magsasaka't manggagawa? Magdalawa o mangatlong-isip,
Suriin mong mabuti, ang kasaysayan at ebolusyon ng gubyernong naghahari.
Ang "indolensya" ni JR aybasahin, "dekalogo" ni Andy ay samsamin!
Panghuli! Kung hindi radikal na pagbago ng sistema,
At repormang struktural ang siyang ipupusta,
Matutulad lamang tayo sa mga naloko
Ng huwad na repormang agraryo sa lupain ng Cojuangco-Aquino.
Sa tingin mo ba'y magbabago ang tadhana sa ganitong mapayapang proseso?
Basahin ang padron ng kasaysayan bago subukang lumiko.
Reporma o rebolusyon? Liberal na demokratikong institusyon, o armadong pakikibaka?
O alin, o alin dito? Para sa anong hinaharap at para kanino?
Mahaba pa ang landas ng rebolusyon, maikli lamang ang buhay ng tao,
Marahil hindi na natin masisilayan ang pagbabagong matatamo.
Ngunit ang buhay sa lipunan ay makabuluhan, sa sakripisyong idinulog,
Pumayapa ka man, ang iyong sinimula'y may kahahantungan sa bayang iniirog.
Sa pagtatanim ng liso ng paglayang hinahangad,
Kakambal ay ngiti't ligaya ng henerasyon sa hinaharap.
Pilipino ka o ipaglaban, ang kalayaan ay karapatan!
Pandayin ang pag-asa para sa hustisyang panlipunan!
Upang tumubo't lumaki ang matatag na punong Pilipinas,
Sumasanga ng nasyunalismo, daho'y pinagyabong ng turo ng sosyalismo
Idilig mo ang makabayang dugo, buhay ay ibuwis, kamalayan ay ihandog,
Patabain ang lupang tinubuan! Ang sarili ay lipunan! Ang kaluluwa'y ipuhunan!
Ang sikat ng araw sa Silangan ay ilantad, hamakin ang kaaway, itaboy silang ganap!
Ang ulap ng kadilimang instrumental sa pagpapanggap, marapat lamang ang paghawi'y hangad
Ang liso'y madidiligan, lubos na masisikatan.
Lalaki ang punong matibay at mayaman
Mag-aanak sa kagubatan, at kikilalanin sa sandaigdigan!
Magbubunga ng prutas na walang kasing sarap,
Ang langit sa wakas, sa lupa na'y malalasap! #