ni baliw-na-payaso
minsa'y napadpad sa isang eskinita
kagyat na nabulabog ang aking gunita
madilim, mapusok, kahindik-hindik
kasaysayan ng buhay sa gulo ay hitik
ilang ulit na kinupkop ng malamig na selda
utak ay inupos ng masamang droga
pamilyang mahal ay ako'y tinalikdan
buhay ko raw ay wala ng patutunguhan
durog na durog ang puso kong sawi
di na makabangon kung saan nakakubli
oh kadiliman! pulos kadiliman!
yayao na ba ako sa huling hantungan?
biglang di mawari kung ano'ng naganap
mistulang tinangay patungo sa alapaap
paligid ay nagliwanag, ako'y nagulat
may init na dumampi sa aking mga palad
iminulat ko ang aking mga mata
sa kasamaang palad, wala akong makita
wala akong marinig, di ko maintindihan
siguro ako'y naliligaw sa kawalan!
binalot ng magandang himig ang paligid
at narinig ko ang Kanyang tinig
ako pala'y hindi naligaw ng landas
ito pala'y daan tungo sa pag-ibig Nyang wagas
ako'y hindi na magsisinungaling
namuhay akong poot ang kapiling
galit sa diyos at galit sa sistema
ang pagkamuhi'y sa puso ko'y nanuot na
ngunit heto't nasa aking harapan
pagkakataong baguhin ang nakasanayan
isa pang pagkakataon ang ibinigay
upang buhay ay magkaroon ng saysay
minsan na akong kumapit sa patalim
minsang nanirahan sa mundo ng lagim
subalit ang panahong iyon at tapos na
hinding hindi ko na babalikan pa
maaring wasak nga ang sistema
dahil sadlak sa hirap ang masa
pero, kaibigan, huwag mong subukan
na ang kadiliman ay hagkan
tangan mo ang Kanyang kamay
at ramdamin ang liwanag ng buhay
kung sa tingin mo ang pag-asa ay wala na
tumingin ka sa kalangitan tsaka sabihing meron pa...
0 comments:
Post a Comment