Monday, September 20, 2010

Iskolar

ni Makatambata


Ang mundo’y anarkiya, ani ng realista;

Interes ang tungtungan sa digmaa’t pulitika.

Estado’y nagmistulang tao, sarili ang sentro,

Nakikipagsapalaran sa mundo na nakikipagbasag-ulo.


Pagkakaisa’t kapayapaa’y tanaw ng liberal na mata,

Mga bansang demokratiko’y halimuyak na magpapanibago.

Liliwanag sa sandaigdigan ang ideya ng Kantiang triyanggulo,

Luha’y ‘di na aapaw, at dugo’y ‘di na iaanlaw.


Kababaihan ay bilanggo ng kasalukuyang mundong macho

Si lola, si nanay, ate’t nena’y hinuhusgahan sa pamantayang guwapo

Alipin ng lalaking ipinagmamalaki ang mapaniil na ‘pagmamay-ari’

Palibahasa’y babae sa birong ‘di ka na lalaki pa, ika’y mananatiling mababa-eh’


Ang mundo’y konstruksyon ng pag-iisip ng tao,

Apektado ng kultura’t tradisyong iba’t iba’t halu-halo.

Posisyon ng bansa sa desisyong pampulitika’t komersyo,

Binabatay sa kahulugan ng mga katotohanang binubuo.


Ang mundo nila’y maaring iba sa mundo ko,

Kung tanawin mo ay malapit, sa titig ko ay malayo.

Ang mundo’y ipapaliwanag ng indibidwal na nakikipaglaro,

Sa kapalaluhan ng mortal, sa kabila o ibang buhay na lang makikipagdiskurso.


Daigdig ay nilikha hindi para sa iilan, kundi sa pangkalahatan,

Ngunit uring hambog nagpapakasasa, turan ni Karl na dalubhasa.

Ekonomiya’y napagtantong bumabaling sa iilan.

Natuto lamang bakuran ang lupa’y inangkin na nang lubusan.


Alin sa mga perspektibong tinuran ang papanigan mo?

Kailangan bang may paniwalaan? – Naitatanong ko rin yan sa sarili ko.

Husgahan ang lipunan gamit ang karanasa’t libro,

Ngunit palayain ang sarili sa piitang kuwadrado.


Ang lipuna’y espesipiko, kaganapa’y konkreto,

Huwag kalimuta’t tulugan ang kasaysayan ng mga bansa sa mundo.

Maging mapanuri rin sa mga bataya’t batis, pag-iisip tungong pag-dedeliryo.

Pansinin kung mata’y may puwing, kung hindi man nakapiring.


Bago hihilinging may panigan rito,

Sasabihin munang iligtas ang sarili mo.

Huwag mabuhay nang mag-isa sa mundong interaktibo,

Bigyan ng kahulugan ang buhay mo sa mundo.


Ikaw ay ang mundo at ang mundo ay ikaw,

Ngunit siya rin dito, kami rin dyan, o sila ring doon sa ibayo:

Lahat tayo ay ang mundo, o ang mundo ay lahat tayo,

Huwag mamuhay-baliw sa kathang-isip mong imperyo.


Alamin, tumuklas, ipaalam, makialam,

Gamit ang ideyang ‘dapat walang humahadlang!’

Katotohanan ang nais, patungkol sa organismong mundo.

Pagpusta ko: Kapag katotohana’y nakamit, kasunod mong nanaisin ang pagbabago.


Araling makulit, ‘pagkat lahat ay may bahid,

Sa bagay-bagay ay may perspektibong nakakabit,

Ngunit lahat ay may koneksyon, implikasyon, kondisyon, at imposisyong bitbit.

Palayain ang isip: kumbinasyon ng datos, instrumento, at katalasang magwawaksi

Kinalaunan, lilikha ng karanasang gawang makapagtanto!

Daloy ng kasaysaya’t hinaharap animo’y ‘gagalaw na hihinto.’


Sa huli’y pipili ka rin… o pipiliin mo rin.

Maaaring paghalui’t baguhin, ngunit may mas pipiliin ka pa rin. #

0 comments:

Post a Comment