Sunday, July 25, 2010

Dasal sa Usok

ni Patalipat

Ilang butil na ng luha ang lumabas sa mapupulang mata ng isang babaeng nakaupo sa gilid ng simbahang ito. Mula rito, dinig na dinig ko ang iyak na kanyang pinipigilan. Muli kong pinagmasdan ang kanyang mukha nang siya ay tumingala. Bakas sa kanyang mga mata ang lungkot . Ang kanyang mga kilay ay nakakunot. Huminga siya nang malalim at ipinikit ang mga mata, bumukas ang kanyang mga labi at tila may ibinulong na hindi ko mawari. Isang minuto ang nakalipas at ang kanyang problemadong mukha ay unti-unting nagiging mapayapa at taimtim. Ang kusot sa sakanyang noo ay pansamantalang nawala ng ilang sandali. Napabuntong-hinga ang babae at sa aking gulat, sunud-sunod na luha tumulo sa kanyang namamagang talukap. Taimtim niyang itinago ang kanyang mga hinagpis sa pagyuko.

Napabaling ang aking tingin sa paligid ng simbahan. Wala pa si Padre kaya ang mga tao ay tahimik na nananalangin. Ilang mga mukha ay pamilyar na sa akin. Matagal na rin akong nagmamasid-masid sa mga pumapasok sa simbahang ito ngunit ang babaeng ito ang nakakuha ng aking atensyon at interes. Halos araw-araw siyang pabalik-balik, umuupo sa iisang pwesto, malungkot, umiiyak at bumubulong. Matagal ko nang nais na marinig ang kanyang problema, ang rason na kanyang ikinalulungkot. Nais ko siyang marinig at tulungan ngunit hindi ko alam kung paano. Sa ilang araw, linggo at buwan niyang pabalik-balik dito, hindi niya man lang inisip na lapitan ako.

Nilisan na rin ng ilan sa aking mga kasamahan ang simabahang ito. Lahat sila ay nilapitan na at nabulungan ng mga dasal. Matagal ko na ring inaasam na mangyari iyon sa akin. Madalas kong iniisip kung sino ang taong bibili sa akin at kung ano ang magiging silbi ko. Narinig ko sa aking mga kaibigan na ang iba nilang kaanak ay nagamit sa masasayang pagtitipon tulad ng mga kaarawan, ang iba naman ay ginamit na pansindi ng mga kandila sa kasalan at sa kung anu-ano pang masasayang pagdiriwang. Matagal ko nang iginuguhit sa aking isipan ang masayang araw kung kelan ako ay magagamit. Marahil bilang pagsindi sa isang bonfire na pinaliligiran ng mga masasayang bata, o di kaya’y sa binyag kung saan ako ay hawak ng mga ninang at ninong na tuwang-tuwa sa kanilang inaanak!

Naggambala ang aking paggunita ng isang aninong palapit sa kung saan ako ay nakapatong. Dahan-dahan niya akong pinulot at naglagay ng ilang barya sa kahon sa gilid. Ako ang napili ng babaeng umiiyak, ng malungkot na babaeng nais kong tulungan. Basa at malagkit ang kanyang mga kamay, marahil dahil sa pawis at luha na naghalo sa kanyang balat. Inilapit niya ako sa ibang mga kandilang may sindi at sa ilang sandali, naramdaman ko ang apoy na namumuo sa aking ulo. Sa isang iglap, lahat ng aking mga pangarap na magsilbing ilaw sa isang masayang araw ay lumuho. Sa halip, heto ako, mahigpit na hawak-hawak ng umiiyak na babaeng ito.

Malakas na ang sindi ng aking apoy at hindi ko mapigilan ang saya kahit hindi natupad ang aking pangarap. Sa tagal kong naghintay, sa wakas, ako ay nilapitan at hingakan! Tunay na ligaya ang masindihan at maramdaman ang init na nagmumula sa sariling apoy! Tiningnan ko muli ang mukha ng babae na hindi bumibitaw sa akin. Nais kong magpasalamat sa pamamagitan ng pagpapalakas ng aking apoy subalit napansin kong nakapikit siya at lumuluha muli. Tahimik ang buong simbahan ng ilang sandali hanggang sa dahan-dahan niyang binuksan ang kanyang bibig. Sa unang pagkakataon, narinig ko ang kanyang bulong.

“Mahal kong Panginoon, Kayo ang aking liwanag at pag-asa. Sa dami ng aking pinagdaraanan, hindi Niyo ako nilisan. O Maykapal, tuluyan Niyo akong gabayan at bigyang-lakas sa darating pang mga araw. Sana po ay palakasin Niyo ang katawan at loob ng aking asawa. Ilang araw na po siyang nilalagnat at hindi makapagtrabaho.

Hindi ko siya madala sa doktor dahil kapos kami sa pera. Ngunit alam ko pong malubha na ang kanyang kalagayan. Sabi niya, ibigay ko na lang po kay Junior ang maaaring magastos sa check-up. Nagsisimula na rin po kasi mag-aral ang bunso namin. Natatakot po ako, Ama ko. ‘Wag Niyo po muna kunin sa akin ang aking mahal na asawa. Pagalingin Niyo po siya. Nahihirapan po siya.”

“Tulungan Niyo rin po akong makahanap ng matinong trabaho. Alam ko naman pong hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral. Ama, wala po kasi kaming makain. Hindi po sapat ang kinikita ko bilang labandera. Naaawa po ako sa aking mga anak.”

“Panginoon, maraming salamat din po sa mga biyayang ibinubuhos Mo sa amin kahit kami ay naghihirap. Salamat po at biniyayaan mo ako ng mga mababait at masisipag na mga anak. Hindi po nagreklamo si Nene nang pinatagil ko siyang mag-aral upang mamasukan muna bilang katulong para makapag-ipon. Napakasipag po niya kaya nga po sa isang buwan, makaka-graduate na ng high school si Nene. Salamat po at ginabayan Mo kami at napatapos ko ang aking anak. Minsan po kasi, naririnig ko po siyang umiiyak ‘pag gabi dahil wala raw gustong makipag-kaibigan sa isang katulong at anak ng labandera. Tulungan Niyo po akong mapalakas ang loob niya, pinapangako ko naman po na igagapang ko ang lahat, makatapos lang siya ng kolehiyo. ”

“Tulungan Niyo po ako Mahal kong Diyos. Nahuli ko po si Boboy na naninigarilyo sa kanto. Hindi ko po siya pinagalitan at natatakot po akong baka maglayas siya tulad ng dati nung nahuli ko siyang naglalasing at sinita naming siya ng kanyang itay. Pinatigil na rin po muna namin siya sa pag-aaral kaya nagtatrabaho siya bilang kargador sa palengke. Patnubayan Niyo po siya ng ilaw na gagabay sa kanya sa tamang landas. Ayoko pong matulad siya sa kanyang Kuya Jojo na namaalam na nang masaksak siya noong isang taon dahil nasangkot sa isang drug deal. Tulungan Niyo po ang aking anak na maliwanagan. ”

“Wala po akong sinisisi, Diyos ko. Ito ang natakda Niyong kapalaran sa akin, buong-puso ko pong tinatanggap. Panalangin ko lang po na bigyan Niyo ako ng lakas. Hindi ko maaaring ipakita sa aking pamilya ang lungkot at hirap na nararanasan ko. Kailangan ko pong maging malakas para sa kanila. Pasensya na po kayo dahil kayo lang ang malapitan ko, alam ko pong tutulungan Niyo ako. Pasensya rin po at ngayon lang ako nakapagsindi ng kandila. Ngayon lang po kasi ako nagkaroon ng sobrang barya mula sa aking sweldo subalit buong-puso ko pa rin pong inaalay sainyo ang aking mga dasal.”

Tumigil siya sa kanyang pagsasalita. Marahan niyang sinambit ang bawat salita sa gitna ng mga luha. Malumanay ang kanyang boses ngunit dinig na dinig ko at tumatak sa aking isip. Naramdaman ko ang aking sarili na umiiyak kasabay niya. Lumuluha ng pagkit ang aking buong katawan. Paubos na ako. Ang aking silyab ay unti-unting namamatay. Ang apoy at liwanag ay nagsisimulang maging usok. Lumulutang ako sa hangin, paakyat nang paakyat. Hindi ko na makita ang babaeng nagsindi sa akin, hindi ko na makita ang babaeng nais kong matulungan.

At sa sandaling iyon, batid na sa aking kaalaman ang aking silbi. Ako ang instrumento na magsisilbing taga-hatid ng dasal sa Diyos, ako ang kinatawan ng matinding pagmamahal ng isang kampeong ina. Ito ang misyon ko—mas maigi pa sa kahit anumang kaarawan o binyag na minsan ay pinangarap ko. Sa oras na maihatid ko ang dasal niya, walang katumbas ang ngiting maipipinta ko sa kaniya mukhang babad na sa luha.

Ilang sandali na lamang, kaunting tiis na lang, malapit na ako.

0 comments:

Post a Comment