isinulat ni: baliw-na-payaso
Pwede dito ka na lang muna? Wag ka umalis, dito ka lang…
Paulit ulit. Parang sirang plaka. Halos mabaliw baliw ako habang nakaupo ako sa jeep at nilalanghap ang usok na hatid ng yosi ni Manong Driver.
Umaga noon at sobrang nagmamadali na ako dahil mahuhuli na ko para sa date ko. Tataltalan na naman ako ni Desiree pag nauna na naman syang dumating sa lugar ng aming tagpuan. Ang totoo nga’y nagwisik wisik na lamang ako imbes na maligo at nagmumog na lamang imbes na magsepilyo pa. Muntik ko pa ngang malimutan na nakatapis pa lang pala ako ng tuwalya at hindi pa nakakapagsuot ng pantalon. Matapos ang ilang segundo ay nasa harapan na ko ng gate ng aming bahay at handang handa ng mag-walkathon patungo sa aming tagpuan.
“Ay paksh*t! Naka lock pa pala ‘tong gate. Lola! Asan nga ho yung susi?”
“Oh, Vince san ka ba pupunta?”
“May lakad ho kami ni Desiree.”
“Ah ganon ba? Andoon sa loob ang susi, sa ibabaw ng mesa.”
Pumasok muli ako sa bahay para kunin ang mahiwagang susi at nang maka diretso na sa Sogo – ang tagpuan namin ng giliw kong si Desiree. Paglabas ko’y saglit kong minasdan si Lola na noong mga oras na yun ay nakaupo sa kanyang tomba-tomba. Gaya ng dati, parang napakakalma nya – parang buong puso nyang niyayakap lahat ng ingay ng mundo. Pero parang may kakaiba sa kanya, hindi ko lamang matukoy kung ano.
“Sige ho ‘la, alis na ko.”
Hindi ko na pinansin ang sagot ni lola at halos maglulundag na ko paalis ng bahay. Sabik na sabik na kong matikman muli ang seksing seksing katawan ni Desiree. Habang papalapit ako ng papalapit sa aming tagpuan ay unti unti nang naguumapaw ang aking libog.
Ilang sandali pa’y nangyari na nga ang dapat mangyari. Laman sa laman, pawisan kung pawisan. Ramdam ko ang pagod ngunit mas nangibabaw ang sarap. Halos isang oras rin kaming nagniig. Uumang pa sana ako para dugtungan ang aming pagroromansa nang biglang nagring ang aking cellphone.
“Pusanggala.” Pabulong kong nasambit sa sarili. Dali kong pinatay ang aking telepono upang mawala ang istorbo.
Halos mabaliw baliw ako habang nakaupo ako sa jeep at nilalanghap ang usok na hatid ng yosi ni Manong Driver. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, nanginginig ang kalamnan ko. Paulit ulit kong iniisip ang mga nangyari noong umagang yun. Biglang umulan, mahina lang noong una tapos ay lumakas ng lumakas. Parang sasabog ang dibdib ko, maya maya pa’y may namuo ng luha sa mga mata ako. Hindi na kinaya ng konsensya ko.
Sa gitna ng malakas na ulan, pinagmamasdan ko si Lola. Gaya ng dati, parang napakakalma nya – parang buong puso nyang niyayakap lahat ng ingay ng mundo. Pero may kakaiba sa kanya. Sa sandaling to ay alam ko na kung ano.
“Pwede dito ka na lang muna? Wag ka umalis, dito ka lang…”
Ang mga salitang ito ang huli kong narinig sa Lola ko. Narinig ngunit hindi pinansin. Narinig ngunit pinangibabawan ng libog. Narinig at binalewala.
Kung kaya ko lamang ibalik ang panahon, gagawin ko kahit ano pa man ang kapalit. Pero hindi pwede. Ibigay ko man lahat lahat ng meron ako kapalit ng kahit isang minuto man lang na kasama si Lola, imposible ng mangyari pa.
0 comments:
Post a Comment