Muling nilukob ng pagkalugmok ang aking damdamin
Kay hirap tanggapin na pati ika'y halos wala na sa'kin
Ako'y nagdurusa sa bawat pagmulat ng mga mata
Ang totoo, ayaw ko na atang mabuhay pa
Linggo noon, araw ng pamilya, dapat masaya
Nagbiro ang tadhana, ito'y naging trahedya
Ang ating anak, sa sentido'y tinagusan ng bala
Kapalit raw ito ng puspusan nyang pakikibaka
At tila di pa ata nakuntento ang langit
Kinabukasa'y si bunso'y kanilang ipiniit
"O mahabaging bathala, saan ba kami nagkasala?"
Yan na lamang ang nasambit, wala na akong magawa
Hanggang may dumating na balita sa aming pintuan
Si bunso, walang awa raw nilang pinugutan
Hindi matanggap ng puso ko ang mga naganap
Ganito ba talaga ang kapalaran ng mga mahihirap?
Kami'y simpleng magsasaka lamang
Na ipinaglalaban ang aming karapatan
Ngunit imbes na tupdin ang nakasaad sa batas
Kami'y unti unti nilang inuutas!
Ang aking asawa, palagi ng tulala't wala sa sarili
Araw gabi'y naririnig ko ang kanyang mga hikbi
Hindi ko na sya makausap, ayaw rin nyang kumain
Ako'y umaasa na lamang sa panalangin
Sadyang kay hirap lang talagang intindihin
Wala pang isang linggo'y nawala ang mga mahal natin
Pero giliw parang hindi ko kakayanin
Kung pati ika'y mawawala rin sa'kin
Aking mahal, sana sabay natin harapin ang bukas
Subukan natin magsimula, hindi pa naman ito ang wakas
Huwag tayong pumayag na mawalan ng saysay
Ang mga bagay na pinagbuwisan nila ng buhay
Parehas tayong nawalan, parehas tayong nasaktan
Sa kabila nito, hawak kamay nating itutuloy ang laban
Hangga't hindi tuwid ang baluktot at hindi malinaw ang malabo
Wag tayong titigil, wag tayong susuko
0 comments:
Post a Comment