Thursday, September 23, 2010

Dikta ng Dugo

ni Kiden

Amandino:

Mula sa malayo si Salimah ay matatanaw; mga mata nami'y magkatitig.

Nangungulila sa bawa't isa; napakalayo para maabot ng aking mga bisig.

Umaasang makakasama siya; kapayapaan ng puso ay matatamasa.

Ngunit sa lahat ng aking ginagawa dikta ng dugo ang nagpapasya.


Magulo ang aking pamilya; aking ama't ina ay laging tila nasa giyera.

Mula sa masasakit na salita hanggang sa mga brutal na gawa.

Sa ingay nilang dalawa ay wala ka nang madidinig;

Kanilang napapatahimik agunyas, kulintang o boses ng bibig.


Mata ni ama'y nanlilisik, tangan ang patalim na manggigilit.

Bakal na uhaw sa dugo; batid mong may buhay na mapapatid.

Hagkan naman ni ina, itim na baril sa kanyang kaliwa.

Nakaumang at may bala; handa na mag-alis ng isa pang diwa.


Sa kabila ng kanilang away sa isang bagay sila nagkakasundo.

Iyon ay ang ipagkait nila sa akin si Salimah ang mahal ko.

"Hindi iyon maaari! Makakasira sa iyong kandidatura!"

"Tsaka na yan Amandino! Sumunod ka muna sa ating agenda!"


Ako'y walang magawa, ang nagsabi noon ay aking aking ama't ina.

Habang pinagpapatuloy nila ang kanilang away, ako'y nakatulala.

Napag-isip-isip hanggang kailan ako susunod at maiipit?

Hanggang kailan titiisin ang sa puso'y mapait na kalawit?


Sana'y bigyan ni ama't ina ang bawat isa ng pagkakataon.

Tigil na sa away at mag-usap ng mahinahon.

Ngunit dikta ng dugo na ang aking nasilayan,

Dikta ng dugo din naman ang pinag-uugatan.

0 comments:

Post a Comment